Binabadya ng mga mamahaling fireworks na nagsisiputukan sa kalawakang tanaw ng katabi kong bintana ang nalalapit na pagpapalit ng taon. Naaninagan ang mga piyesa ng keyboard ng sari-saring kulay habang tinitipa ko ang mga salitang ito. Nakikikumptensiya naman sa dagundong ng paputok ang mga nagkakalansingang lata ng mga batang nangangaroling. Markado ang debolusyon ng makabagong musika sa kanilang walang pakundangang pagiingay.
Ibinabalita naman sa telebisyon ang selebrasyon ng kaarawan ng isang sikat na atleta (clue: pareho kami ng petsa). Naiskandalo ako agad pagkarinig pa lamang ng ulo ng balita, hindi dahil sa idolo ko ang nasabing atleta-kum-artista. Sa kasagsagan ng kanyang magarbong selebrasyon ay mga batang inagawan ng Chickenjoy ng mga matatandang nagkukumahog na makiagaw sa laksa-laksang pagkain. Ang ilang pagkain ay natapon pa sa tila riot na kaguluhan. Hindi ko alam kung saan ako higit na nalulungkot: sa katotohanang higit pa sa kagutumang dinaranas ng marami ang moral na apliksyon ng aking mga kababayan o sa kasinungalingang nais lamang ng atleta-kum-artista na magbahagi ng kanyang bilyones (at hindi ito, sa anumang paraan, pagpapabango ng pangalan para sa darating na eleksyon).
Ito ang ilan sa mga nakapaligid sa akin habang ginagawa ko ang unang banat sa pagbablog. Masakit na ang aking mga siko sa matagal na pagkakahalik sa malamig na semento. Bilang pagtatapos, may isang quote na nais kong iwan:
“A writer is as good as his/her last work.”
Para sa inyo ito upang patunayan o pabulaanan. Now, you know.
(This is my humble attempt to conquer the rigorous art of writing in our native. The realization that [at least for me] it becomes more laborious to write in Filipino than in in English is saddening. And not to mention, utterly ignominious.)